Aking taos-pusong pagbati sa lahat ng mamamayan ng ating mahal na bayan at sa lahat ng mga panauhin na nandirito ngayong umaga. Unang-una, sa ating kagalang-galang na Congressman, Rogelio D. Pacquiao, kagalang-galang na Gobernador, Steve Chiongbian Solon, kagalang-galang na Bise-Gobernador, Elmer T. de Peralta, kagalang-galang na mga miyembro ng ika-labingdalawang Sangguniang Bayan na pinangungunahan ng ating Bise-Alkalde, kagalang galang Ronnel Saldua Español, sa ating mga kagalang-galang na mga Punong Barangay at mga Barangay Konsehales, sa ating mga District Supervisors na walang humpay na sumusuporta sa ating lokal na pamahalaan, Sir Noli G. Cabaylo ng District I, Sir Taya A. Saling ng District 2, Sir Ferdinand S. Simon ng District 3 at Sir Glenn M. Castillas ng District 4, lalung-lalo na sa ating mga School Heads, Principals at mga guro na walang pagod na naghahatid ng serbisyo sa edukasyon para sa ating mga kabataan sa ibat ibang sulok ng bayan ng Alabel, miyembro ng Municipal Council for the Protection of Children (MCPC), Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Nutrition Scholars (BNSs), School Nurses, Non-Government Organizations (NGOs) na ating kaakibat sa paghahatid ng serbisyo sa kabataan, nandito po ang Save the Children na pinangungunahan ni Sir Mario Vargas , World Vision na pinangungunahan ni Ms. Girlie Ato, Dana Foundation, at Conrado Ladislawa Alcantara Foundation Incorporated (CLAFI) na pinangungunahan ni Mr. Ryndon Rich Magtulis , sa ating mga magulang na talagang nagpapakita ng buong suporta sa kanilang mga kabataan, sa lahat ng mga estudyante mula Daycare hanggang senior highschool, sa lahat ng mga panauhin na naglaan ng kanilang panahon ngayong umaga upang mapakinggan ang ating Local State of the Children’s Address, magandang umaga po at SMILE ALABEL!

Ating ipinagdidiriwang ngayong umaga ang Municipal Children’s Month na may temang, “Isulong: Tamang Pag-aaruga Para sa Lahat ng Bata!”, upang gunitain ang adapsyon ng Convention on the Rights of the Child ng United Nations General Assembly at naglalayong maitanim ang kahalagahan nito sa kamalayan ng bawat Pilipino.

Ang bayan ng Alabel, Capital town ng Sarangani, ay dalawampu’t anim na taon (26 years) nang sumusulong ng mga programang mag-aangat sa mga kakayahan ng mga kabataan.
Para sa isang detalyadong impormasyon, hayaan ninyong ibahagi ko ang ating mga naggawa sa loob ng isang taon, taong 2018:

Una, sa Aspeto ng Civil Rights and Freedom:

Mula sa tala ng tanggapan ng Municipal Civil Registrar, nakapagrehistro tayo ng 1,255 kabataan edad 0 hanggang 17 taong gulang mula buwan ng Enero hanggang Oktobre sa tulong ng ating Mobile Registration Program. Pito lamang po doon naitalang binawian ng buhay.

Nabigyan rin natin ng proteksyon ang ating mga kabataan mula sa masasamang dulot ng bisyo tulad ng paninigarilyo sa pamamagitan ng pag-implementa ng Comprehensive Smoke-Free Ordinance kung saan ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Sa katunayan ay naparangalan ang ating bayan ng Hall of Famer-Red Orchid Awardee dahil sa pagiging Tobacco-Free Environment mula taong 2016 hanggang 2018.

Ang ating maigting na implementasyon ng curfew ordinance for minors ay isa ring mahalagang hakbang para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kabataan sa gabi.

Ikalawa, on Basic Health and Welfare:

Sa pangunguna ng ating Rural Health Unit, naggawa nating maging Fully Immunized Children (FIC) ang karamihan sa ating mga barangay at nalampasan nga ang benchmark na 95 percent sa taong 2018. Kailangan lang nating mag doble sikap para sa ibang Barangay na hindi umabot sa benchmark tulad ng Bagacay na 47 percent lamang, Datal Anggas-33 percent, Kawas-69 percent at Maribulan na 70 percent.

Sa katatapos lang na Measles-Rubella Supplementation Immunization Activities noong May 9 hanggang June 30, 2018, sinakop nito ang 93 percent of the targeted children na may edad 6 to 60 months old. Sa aspetong ito, ang bayan ng Alabel ay nag-Top 3 sa buong lalawigan ng Sarangani.

Naging matagumpay din tayo sa pagsulong ng Exclusive Breastfeeding up to 6 months dahil lumampas tayo sa benchmark na 70 percent. Ngunit kailangan pa nating pagtuonan ng pansin ang ating mga katutubong mamamayan sa ibang Barangay tulad ng Bagacay, Datal Anggas at Maribulan na may mababang coverage on exclusive breastfeed child na syang isang dahilan na maging vunerable ang bata sa malnutrition dahil sa paggamit ng inappropriate milk products.

Sa Maternal Health naman, mula January hanggang September 2018, umabot sa 892 na mga buntis na kababaihan o 52% sa kabuuan ang nabigyan ng sapat na prenatal care. Samantalang, 68% naman ang nagging saklaw ng Post Partum Iron-Folic Acid Supplementation na medyo mas mataas sa Pre natal.

Sa usapin naman ng malnutrition, masakit man tanggapin ngunit nakakabahala ang tala ng malnourished na mga kabataan sa taong ito. Sa buong bayan ng Alabel, umabot sa 622 na kabataan o 7.3% ang tala ng underweight, 1,266 o 14.6% ang stunted at 391 o 4.5% ang wasted.

Gumawa tayo ng mga hakbang upang mapababa ang malnutrition rate tulad nalang ng mga sumusunod:

Una, Tutok Nutrisyon na isa sa mga pangunahing serbisyo sa ating programang Serbisyong SMILE sa Barangay (SSB) kung saan binibigay ng libre ang Medical Check-up, dental Check-up, Laboratory, Micronutrient Supplementation, Nutrition mentoring at pamimigay ng seedlings para sa pagsulong ng Backyard Gardening.;

Ikalawa, 12 Days Supplementary Feeding sa pamamagitan ng Pinoy Nutrition Hub;

Ikatlo, pamimigay ng Manna Pack Rice; at

Ikaapat, paggamit ng Ready-To-Use Therapeutic Foods sa ilalim ng Philippine Integrated Management for Acute Malnutrition.

Naisakatuparan na rin natin ang pangakong taasan ang buwanang honorarium ng ating mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) mula P1,500 to P2,000 at P1,500 naman sa Barangay Health Workers (BHW) mula P1,200.

Sa kabuuan, nakapaglaan tayo ng halagang umabot sa P7,424,168 para sa kalusugan ng ating mga kabataan.

Ikatlo, on Education, Leisure and Cultural Activities:

Mula nong umupo ako bilang Alkalde ng bayan, pinangako ko at ipinaglaban ang programa sa libreng edukasyon at sa awa ng Diyos ay naitaguyod natin hanggan ngayon. Dahil sa ating “No Collection Policy” sa lahat ng antas sa paaralan mula Daycare hanggang senior highschool, kasama na rin ang Alternative Learning System (ALS), tumaas ang ating enrolment rate ayon sa datus mula sa 36 na pampublikong paaralan, 4 na pribadong paaralan at 15 community based na mga paaralan, na kinikilala ng Department of Education. Sa Kindergarten, may bilang po tayo na 1526 na kabataan mula 1276 noong nakaraang taon, 10, 752 naman sa Elementarya mula 10,190,/ 6,218 naman sa Junior High School mula 3,756 at 1,573 naman sa Senior High School mula 964 noong nakaraang taon.

Sa Technical Vocation (TechVoc) Education, may bahagyang pagtaas ng mga mag-aaral mula 2,184 hanggang 2,191 kung saan nagbigay tayo ng tulong pinansyal para sa assessment fees ng mga kabataan. Mula sa 3,025, tumaas rin ang bilang ng mga katutubong mag-aaral na umabot sa 3,116 SY 2018-2019 samantalang naging 295 mula 194 naman ang itinaas ng mga mag-aaral na Muslims.

P300/pupil na po ang ating subsidy ngayong taon sa lahat ng antas ng paaralan na syang ginagamit ng ating mga guro upang mapunan ang mga kakulangan sa pagbibigay ng kalidad na edukasyon sa kabataan.

Sa pagunguna ng Tanggapan ng Agrikultura, natulungan din nating makapagtapos ang isang 17 year-old na si Gerald Domceran, miyembro ng 4-H Club New Bohol Chapter, sa 1 month Out of School Youth Scholarship Program of Agricultural Training Institute (ATI) na isa ring ALS Passer at NCII Passer for Organic Agriculture & Food Processing.

Upang masolusyonan ang kakulangan sa mga guro, naghire tayo ng 15 Local School Board Teachers na tumatanggap ng P6,500 kada buwan, at 4 ALIVE Teachers na nagtuturo ng Arabic Reading and Writing at Islamic Values sa ating mga kabataang Muslims na tumatanggap ng P3,000 kada buwan. Unti-unti naring naisasakatuparan ang ating pangakong taasan ang honorarium ng ating 44 Child Development Workers mula P1,500 to P6,000 a month.

Sa kabuuan, nakapaglaan tayo ng halagang umabot sa P14,571,502 para sa libre at kalidad na edukasyon ng kabataan, Person With Disability (PWD) man o hindi, para sa lahat.

Patuloy rin ang ating pakikipag-ugnayan sa Non-Government Organizations bilang ating kaagapay sa paghahatid serbisyo tulad na lamang ng Save the Children kung saan natapos ang 7 Functional Water Systems sa mga paaralan ng Datal Anggas IS, Tagaytay IS, Famorcan ES, Pag-asa IS, Paraiso IS, Upper Domolok ES and Latian ES. Kasalukuyan ding sinasagawa ang tatlong water systems sa Datal Conde, Saliluk ES at Domolok ES mat Pipeline water system project sa Sofan ES at Spring IS.

Sa ilalim ng SAGIP Project-Disaster Risk Reduction Management ng Save the Children, umabot din sa 145 kabataan ang nakalahok sa ibat ibang mga pagsasanay tulad ng Batang Empowered and Resilient Team (BERT) Training at marami pang iba. Namigay din sila ng bagong set of Children’s Story books with 9 titles sa ating 50 Day Care Centers.

Sa ilalim naman ng programang Maternal Newborn Child Health and Nutrition (MNCHN), kasalukuyan pong tinatayo ang ating Maternity Waiting Home sa Sitio Sofan, Brgy Pag-asa. Ito ang magiging kauna-unahang Maternity Waiting Home sa bayan ng Alabel.

Binibigyan din tayo ng Dana Foundation ng ibat ibang uri ng Vitamins para sa mga kababaihan at kabataan, samantalang Parental Sessions at pagbabahagi naman ng Story Books ang sa Alcantara Foundation kung saan hinihikayat ang paggamit ng katutubong wika at istorya.

Sa kabuuan, nakapaglaan tayo ng kabuuang budget na P22,694,106 sa taong 2018 para sa kapakanan at kabutihan ng ating mga kabataan. Iilan lamang po ito sa maraming nagawa natin na mga programa para sa kabataan.

Ang lahat ng ito ay naging posible dahil sa tulong at gabay ng ating Poong Maylikha na siyang nagbibigay nang mga panalangin na pinagkukunan natin nang lahat ng ating mga pangangailangan. Biniyayaan niya rin ang bayan ng Alabel ng mga organisasyong may mabubuting layunin pra sa ikabubuti ng mga kabataan tulad na lamang ng DSWD, DOH, DepEd, AFP, PNP, DILG, NCIP, Save the Children, World Vision, Alcantara Foundation, Brokenshire Integrated Health Ministries Inc. (BIHMI), DANA Foundation, mga pribadong doctor na naghandog ng mga libreng serbisyo, sa lahat ng mga partners ng lokal na pamahalaan ng Alabel na naging bahagi sa malaking tagumpay na ito, maraming Salamat at mabuhay kayong lahat!

Mga kababayan ko, sabay sabay at hawak kamay nating isulong ang tamang pag-aaruga para sa lahat ng Bata, para sa pag-asa ng bayan: ang ating mga KABATAAN!

SMILE para sa Kabataan! SMILE ALABEL!